Sunday, February 8, 2015

GOMBURZA: Ang Tatlong Paring Martir

Ang salitang Gomburza ay nabuo mula sa pangalan ng tatlong pari, na sina Padre Jose Burgos, Padre Jacinto Zamora, at Padre Mariano Gomez, na binitay noong 17 Pebrero 1873 ng mga Espanyol dahil sa pagbibintang sa kanila sa kaso ng subersyon at pag-uugnay sa kanila sa nangyaring rebelyon sa Cavite noong 1872. Dahil sa kanilang hindi makatarungang kamatayan, sumiklab ang damdamin ng mga Pilipino at nag-iwan ito ng matinding epekto, lalong-lalo na kay Jose Rizal. At dahil dito, inialay ni Rizal ang El Filibusterismo sa kanila.


Padre Mariano Gomez

Ipinanganak noong 2 Agosto 1799 sa Santa Cruz, Maynila, si Mariano Gomez ang nauna na binitay sa Bagumbayan at ang pinakamatanda sa tatlong martir. Siya ay nagtapos sa Unibersidad ng Santo Tomas at nagsilbi bilang pari ng parokya sa Bacoor, Cavite. Itinatag niya rin ang pahayagan na La Verdad (The Truth) kung saan ipinapakita nito ang hindi magandang kondisyon ng bansa. Inilimbag din sa pahayagang ito ang mga liberal na artikulo ni Burgos.
Ang kanyang pamosong huling mga salita ay, “Let us go where the leaves never move without the will of God.”

Padre Jose Burgos

Si Jose Burgos, ipinanganak noong 9 Pebrero sa Vigan, Ilocos Sur, ang huling binitay sa tatlong paring martir. Siya ang pinakanatatangi sa tatllong pari dahil sa siya ay nagtamo ng dalawang titulo sa pagkadoktor, isa sa teolohiya at isa pa sa canon law. Isa rin siyang prolipikong manunulat at konektado sa Manila Cathedral.
Ang kanyang kamatayan ang pinakamadula sa lahat. Isa sa mga detalye ng kanyang kamatayan ay nang siya ay tumayo at sumigaw na, “Wala akong ginawang anumang kasalanan!” (“But I haven't committed any crime!)
Padre Jacinto Zamora
Ipinanganak noong 14 Agosto 1835 sa Pandacan. Iniugnay siya sa rebelyon sa Cavite noong 1872 dahil sa kanyang imbitasyon na may nakasaad na,“Grand Reunion... our friends are well provided with powder and ammunition.” Ang mga pahayag na ito ay maaaring mangahulugan ng pagrerebelde, ngunit ito ay isa lamang paanyaya ni Zamora sa kanyang mga kaibigan na sila ay maglaro ng panguigui, isang kilalang laro sa baraha, at ang salitang powder and ammunition ay mga simbolo lamang na sila ay may sapat na salapi upang maglaro buong magdamag.


People Power Revolution ng 1986

Ang Himagsikan ng Lakas ng Bayan (InglesPeople Power Revolution), na tinatawag ding Rebolusyon sa EDSA ng 1986 ay isang mapayapang demonstrasyon na nagtagal ng apat na araw sa Pilipinas, mula Pebrero 22 hanggang Pebrero 25 ng taong iyon. Nag-ugat ang nasabing rebolusyon sa serye ng mga kilos protesta ng mga tao laban sa diktaturyang pamumuno ni Ferdinand Marcos, lalo na noong napaslang si Ninoy Aquino noong 1983. Maraming mga tao ang nakilahok dito-mga sibilyan, militar at mga alagad ng simbahan tulad ni Jaime Cardinal Sin. Nagdulot ito ng pagbagsak na pamahalaang diktatoryal ni Pangulong Ferdinand Marcos at ang paghalili ni Corazon Aquino sa posisyong nilisan ni Marcos. Naganap ang mga demonstrasyon sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA), isang mahalagang daan sa Kalakhang Maynila.



Saturday, February 7, 2015

Intramuros

Ang Intramuros, na matatagpuan sa timog ng Ilog Pasig, ay ipinatayo ng mga Kastila noong ika-16 na siglo at ang pinakamatandang distrito ng Maynila, ang kabisera ng Pilipinas. Ang pangalan na Intramuros ay nangangahulugang "nagsasanggalang na pader", na tumutukoy sa kuta o lungsod na napapalibutan ng pader. Noong kapanahunan ng mga Hispano, ang Intramuros ay ang mismong Maynila. Ito ay sinira ng mga Hapones sa dahilang ito ay ang pinakamagandang parte ng Maynila, muling inayos noong Hunyo 16, 1952.

Emilio Aguinaldo

Si Emilio Aguinaldo y Famy (22 Marso 1869–6 Pebrero 1964) ay isang Pilipinong heneral, politiko at pinuno ng kalayaan, ay ang unang Pangulo ng Republika ng Pilipinas (20 Enero 1899–1 Abril 1901). Isa siyang bayaning nakibaka para sa kasarinlan ng Pilipinas. Pinamunuan niya ang isang bigong pag-aalsa laban sa Espanya noong 1896. Makaraang magapi ng Estados Unidosang Espanya noong 1898, ipinahayag niya ang kalayaan ng Pilipinas at umupo bilang unang pangulo ng Pilipinas noong Hunyo1899. Malakas ang kaniyang loob subalit nilarawang baguhan sapagkat naniwalang tatangkilin ng Estados Unidos ang kaniyang hangarin. Nang maging ganap at lantad ang mga hangarin ng Estados Unidos hinggil sa Pilipinas, muli niyang pinamunuan ang isang pag-aaklas mula 1899 hanggang 1901. Nadakip siya sa bandang huli ng mga Amerikano noong Marso 1901, makaraang makipaglaban sa loob ng dalawang taon. Nanumpa siya ng katapatan sa Estados Unidos subalit nagsuot ng isang itim na bow tiehanggang sa tuluyang nakamit ng Pilipinas ang kalayaan noong 1946. Tumakbo siya bilang pangulo noong 1935 ngunit nagapi sa halalan ni Manuel Quezon. Sa mga huling panahon ng kaniyang buhay, nagsilbi siya sa Konseho ng Estado ng Pilipinas.Siya rin ang pinakabatang pangulo ng Pilipinas.

Si Emilio Aguinaldo y Famy ay isang Pilipinong heneral, politiko, at lider ng rebolusyon laban sa Espanya at Estados Unidos. Ipinanganak siya sa Cavite el ViejoCavite noong 22 Marso 1869 kina Carlos Aguinaldo y Jamir at Trinidad Famy y Valero (1820-1916) Si Don Carlos ay isang gobernadorcillo at dahil may lahi siyang Tsino, Tagalog at Mestizo, nagkaroon sila ng yaman at kapangyarihan. Bilang bata, nakatanggap siya ng edukasyon mula sa isa niyang lola at maya-mayang nag-aral ng elementarya sa paaralang elementarya ng Cavite el Viejo noong 1880. Pagkatapos, nag-aral naman siya ng sekundarya sa Colegio de San Juan de Letran, ngunit, tumigil siya noong nasa ikatlong taon na siya para tulungan ang kanyang nabiyudang ina na patakbuhin ang kanilang bukid. Sa edad na 28, si Miong ay naging cabeza de barangay sa Binakayan, ang pinakaprogresibong barrio sa Cavite el Viejo. Hinawakan ang posisyon na ito ng 8 taon. Noong 1893, ipinasa ang Maura Law na ibinago ang sistema ng lokal na gobyerno, binago nito ang tawag na gobernadorcillo sa capitan municipal. Kaya noong 1895, si Aguinaldo ang pinakaunang taga-Cavite el Viejo na tinawag na capitan municipal.
Noong 1894, sumali siya sa Katipunan o ang K.K.K., isang sikretong organisasyon na pinamumunuan ni Andres Bonifacio, at dedikado itong organisasyon upang maitaboy ang manlulupig na Kastila at makamit ang kalayaan ng Pilipinas sa pamamagitan ng dahas. Ginamit niya ang nom de guerre na Magdalo, para kay Maria Magdalena. Ang kanyang sangay ng Katipunan na pinamumunuan ng pinsan niya na si Baldomero Aguinaldo ay tinawag ding Magdalo.
Nagsimula ang Rebolusyon sa San Juan del Monte (siyang lungsod ng San Juan, Metro Manila). Ngunit sa simula ay hindi sumali ang sangay ni Aguinaldo dahil sa kakulangan ng armas, na isa sa mga dahilan ng pagkatalo ni Bonifacio sa Pinaglabanan. Habang napilitan sina Bonifacio na gumamit ng gerilya para makilaban, nanalo sina Aguinaldo sa iba't ibang laban na nakapagtaboy ng mga Espanyol ng panandalian.
Noong 17 Pebrero 1897, natalo nina Aguinaldo at ilang Katipunero ang puwersa na pinamumunuan ni Gobernador-Heneral Camilo de Polavieja sa Labanan sa Tulay ng Zapote sa Cavite. Si Heneral Edilberto Evangelista, inhinyerong sibil, rebolusyonaryo, at tagatayo ng trintsera, ay namatay sa labanang ito. Ang probinsiya ng Cavite ay naging importanteng lokasyon ng Rebolusyon at dito rin nakanalo ang Magdalo ng marami laban sa Espanya.
Ngunit, lalong nagkaroon ng malaking agwat ang dalawang kampo sa Katipunan, ang Magdalo at Magdiwang. Dahil dito, napilitan si Bonifacio na mamagitan sa dalawang kampo. Naisip ng Magdalo na magtayo ng sarili nilang gobyerno. Si Bonifacio, kahit para sa kanya na ang Katipunan ay gobyernong ganap, pinayagan niya at pinamunuan rin ang isang halalan na sinimulan sa Kumbensiyong Tejeros sa Tejeros, Cavite noong 22 Marso 1897. Nawala rito ang pamumuno niya kay Aguinaldo, at naboto bilang Ministro ng Interyor. Ito ay kinwestyon ni Daniel Tirona, na sinasabing hindi raw nararapat ito kay Bonifacio dahil siya ay hindi nakapagtapos sa pag-aaral. Nagalit si Bonifacio (nilabas ang kanyang baril at binaril na sana si Tirona kung hindi lang siya tumigil) at dineklarang null at di-wasto ang kumbensiyon. Napilitan si Bonifacio na bumalik sa Morong, Rizal
Hindi na kinilala ni Bonifacio ang gobyernong pinamumunuan ni Aguinaldo at sinimulang ibalik ang kanyang awtoridad, pinagbintangan ang paksiyon ni Aguinaldo ng pagtataksil at nagbibigay ng utos na taliwas sa mga utos ni Aguinaldo. Sa utos ni Aguinaldo, hinuli si Bonifacio at ang kanyang mga kapatid at sa isang mock trial, nahatulan ng pagtataksil at nasintensiyahan ng kamatayan. Pagkatapos ng pag-aalanganin, naisip niyang tanggalin ang hatol, ngunit pagkatapos makumbinse ni Heneral Manuel Noriel, Pangulo ng Konseho ng Digmaan, at iba pa, binalik ni Aguinaldo ang hatol. Pinatay ang magkapatid na Andres at Procorpio sa pamamagitan ng firing squad noong 10 Mayo 1897 sa Bundok Hulog na malapit ng apat na kilometro kanluran ng Maragondon, Cavite.
Habang tumitindi ang tensiyon, napilitan sina Aguinaldo na lumikas papunta sa mga bundok. Dito pinirmahan niya ang Kasunduan ng Biak-na-bato. Isusuko ni Aguinaldo ang kanyang gobyerno at itigil ang digmaan kapalit ng $800,000 (Mehikano) bilang kapalit. Pinirmahan ito noong Disyembre 14 at 15, 1897. Noong Disyembre 23, umalis sila sa Pilipinas papuntang Hong Kong para lumikas. Ang dala nilang $400,000 (unang installment) ay dineposito sa mga bangko sa Hong Kong. Dito, inayos ni Aguinaldo ang gobyerno at tinawag niyang Kataas-taasang Konseho ng Bayan.
Isang rebolusyonaryong heneral, si Francisco Makabulos, ay nagtatag ng Komiteng Ehekutibong Sentral na siyang naging pamahalaan habang wala sina Aguinaldo. Kahit pumirma si Aguinaldo, tuloy pa rin ang paghuli ng mga Kastila sa mga Pilipinong sumama sa rebolusyon. Dahil dito, nagsimula muli ang rebolusyon.
Noong Abril 1898, nagkaroon ng digmaan sa gitna ng Espanya at Estados Unidos. Sa Labanan sa Look ng Maynila, nanalo ang American Asiatic Squadron na pinamumunuan ni Commodore George Dewey at nasakop ang Maynila. Si Dewey ang nagbigay ng transportasyon kay Aguinaldo pabalik ng Pilipinas. Bumalik bigla si Aguinaldo sa kanyang posisyon at linusob ang Manila.
Pagkatapos ng pagsimula ng Digmaang Espanyol-Amerikano, bumalik si Aguinaldo sa Pilipinas noong 19 Mayo 1898.
Noong Mayo 24, dineklara niya na siya ang lider ng buong militar at nagtatag ng gobyernong diktaturyal na siya bilang diktador.
Noong Hunyo 12, dineklara ang Kalayaan ng Pilipinas sa bahay ng mga Aguinaldo sa Cavite el Viejo, at binasa ang Batas na Nagpapahayag ng Kalayaan ng Pilipinas. Ito ay sinulat sa baybay Kastila ni Ambrosio Rianzares Bautista, isang kapamilya ni Jose Rizal, na siya ring bumasa.
Noong Hunyo 18, dineklara niya sa pamamagitan ng dekrito ang opisyal na pagtatag ng kanyang diktadurya. Noong Hunyo 23, dineklara naman niya ang gobyerno na rebolusyonaryo at hindi na diktadurya, siya pa rin bilang pangulo.



Gregoria de Jesus

Si Gregoria de Jesus ay ipinanganak sa Kalookan noong ika-9 ng Mayo, taong 1875. Siya ay anak ng ulirang mag-asawang sina Nicolas de Jesus at Baltazara Alvarez. Siya ay kabiyak ng dibdib (asawa) ng supremo ng Katipunan na si Andres Bonifacio. Siya ay kilala sa bansag na "Ina ng Katipunan" , "Ina ng Himagsikan" at Lakambini ng Katipunan.[1]
Si Gregoria de Jesus na karaniwang tinatawag ng mga manghihimagsik na "Inang Oriang" ay nagkaroon ng mahalagang tungkulin sa Katipunan. Siya ang taga-ingat ng mga mahahalagang kasulatan dito. Pinamahalaan ni Oriang ang pagpapakain at pagpapagamot sa mga kasapi ng Katipunan na minalas na masugatan. Nang minsang may nagtraydor sa Katipunan ay itinuro siya na siyang naghahawak ng mahahalagang kasulatan ng Katipunan, subalit ang mga ito ay madali niyang naitago sa malayong lugar.
Nang madakip si Andres Bonifacio at ang kanyang kapatid na si Procopio, ay hindi na ito hiniwalayan ni Inang Oriang. Nang patayin sina Bonifacio ay hindi ito ipinaalam sa kanya. At nang malaman niya ito ay hinanap niya ang bangkay ng kanyang asawa ngunit ito'y hindi niya rin nakita. Napangasawa niya si Ginoong Julio Nakpil at sila ay nagkaroon ng limang na anak. Nagkaroon siya ng isang anak kay Andres Bonifacio ngunit ito ay namatay nang sanggol pa lamang.
Si Gregoria de Jesus ay namatay noong Marso 15, 1943 sa Maynila sa gitna ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Katedral ng Maynila

Ang Katedral ng Maynila, na kilala rin sa tawag na Minor Basilica de La Inmaculada Concepcion ay ang eklesiyastikong lunan ng Arsodiyosesis ng Maynila mula pa noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Ito ay matatagpuan sa loob ng Plaza Roma sa IntramurosLungsod Maynila.
Ang tanggapan ng obispo ng Maynila ay itinatag noong 1578, na may saklaw sa buong pulo ng Filipinas, at katulong ng tanggapan ng obispo sa Mexico. Dumating sa Filipinas ang unang obispo ng nasabing tanggapan, na si Domingo de Salazar noong 1581.
Itinayo ang Katedral ng Maynila noong 1581, na yari sa pawid at kawayan. Nawasak ang katedral sa bagyo noong 1582 at sa sunog noong 1583. Ang unang batong estruktura ay itinayo noong 1592 ngunit gumuho sa lindol noong 1600. Ilang pagpapagawa ang naganap mulang 1603 hanggang 1737 para patibayin ang simbahan. Ngunit nasira pa rin dahil sa lindol na tumama sa Maynila noong 1621, 1645 at 1749. Ang ikalimang estruktura, na may bagong disenyo ang patsada, ay nawasak din noong 3 Hunyo 1863 dahil sa lindol. Noong 1871 ay itinayo ang ikaanim na estruktura sa ilalim ng pangangasiwa ng mga arkitektong sina Luciano Oliver at Serrano Salavarria at ng mga inhinyerong sina Eduardo Navarro at Manuel Bazan. Ang maringal na estrukturang ito ay nawasak muli dahil sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1945.
Ang kasalukuyang Katedral ay ginawa noong 1954, sa ilalim ng pamamahala ng Pambansang Alagad ng Sining sa Arkitektura na si Fernando Ocampo. Pinasinayahan ang nasabing katedral noong 8 Disyembre 1958 ng Arsobispo ng Maynila na si Rufino Jiao Santos. Itinaas ang ranggo ng katedral sa minor basilica noong 1981 ni Papa Juan Pablo II.
Ang Katedral ay gawa sa arikitekturang Romanesque-Byzantine at may pormang Baroque. Ang patsada ay binubuo ng dalawang palapag na bloke at may tatlong pasukan na may mga ukang arko. Ang mga pintuan ay yari sa tanso na inukit nina Alessandro Monteleone at Francisco Nagni. Nakadikit ang kampanaryo sa kanang panig ng gusali.
Ang Katedral ay himlayan din ng mga dating preladong nagsilbi sa Arsodiyosesis ng Maynila, kahintulad noong St. Peter's Basilica sa Lungsod Vatican. Kabilang sa mga ito si Michael J. O'Doherty, huling Amerikano at dayuhang Arsobispo ng Maynila, Rufino J. Santos, kauna-unahang Filipinong kardinal, Gabriel M. Reyes, kauna-unahang Filipinong Arsobispo ng Maynila at si Kardinal Jaime L. Sin.


Martsa ng Kamatayan

Ang Bataan Death March ay ang sapilitang pagpapalakad sa mahigit kumulang 70,000 bilanggo ng digmaan (prisoners of war o POW) na binubuo ng mga Filipino at Amerikano na nadakip ng mga Hapon sa kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nagsimula noong 9 Abril 1942, ang pagmartsang ito ay nag-umpisa sa MarivelesBataan patungong San FernandoPampanga (na umabot ng 88 kilometro ang layo), hanggang CapasTarlac at muling naglakad ng layong 13 kilometro hanggang matunton ang Himpilang O'Donnell. Tumagal ang pagmamartsang ito ng anim na araw.

Noong 11 Marso 1942, sa utos ni Pangulong Theodore Roosevelt, Jr., nilisan ni Heneral Douglas MacArthur, kasama ang ilang tropang Amerikano, ang Corregidor patungong Australia. Sa pag-alis ng heneral, itinalaga si Jonathan Mayhew Wainwright IV bilang kahalili nito sa Corregidor, at si Heneral Edward P. King naman ang siyang naatasang mamuno sa pakikipagdigmaan sa Bataan. Unti-unting naramdaman ng kawal ng mga Amerikano ang paghina ng kanilang hukbo laban sa mga atake ng bansang Hapon. Maliban dito, naging madalang na rin ang pagdating ng mga rasyong pagkain, gamot at sandata mula Estados Unidos, at patuloy na dumarami ang nagkakasakit at napipinsala. Dahil dito, wala ng ibang alternatibo kundi ang pagsuko sa mga Hapon.
Ang pagbagsak ng Bataan noong Abril 1942 ay naging mabigat na dahilan upang humina ang depensa at tuluyang magapi ang Corregidor isang buwan ang makalipas. Ang pagsukong ginawa ng mga Amerikano sa Bataan ay siyang naging hudyat sa pagtatapos ng digmaan dito. Ngunit kasabay ng nasabing pagsuko at pagbandera ng puting watawat ay ang anim na araw na pagpapahirap sa mga sundalong Filipino at Amerikano sa tinaguriang Death March.

Kinilalang Death March, ang sapilitang pagmamartsa na ito ay nagdala ng matinding pahirap at trahedya sa mga sundalong napabilang dito. Ang mga sundalong Filipino at Amerikano na lumaban para sa depensa ng Bataan ay itinuring na mga bilanggo ng digmaan, o mas kilala bilang prisoners of war (POW). Sa pagsukong ginawa ni King kay Heneral Masaharu Homma, ipinaalam niya sa huli na marami sa kanyang pangkat ang may karamdaman at nagugugutom. Dahil dito, iminungkahi ni King kay Homma na siya na mismo ang magdadala sa mga sundalo sa Himpilan ng O'Donnel gamit ang kanilang sasakyang pangmilitar. Ngunit di ito inalintana ni Homma, bagkus ay pinanindigan nito na maging ang mga may kapansanan ay kinakailangang makilahok sa martsang magaganap patungo sa kampo na siyang magsisilbing kulungan ng mga bilanggo.
Umabot ng anim na araw ang nasabing martsa. Sa kasagsagan ng init ng araw, ang mga bilanggo ng digmaan ay walang tigil na pinaglalakad habang sila'y tinututukan ng baril ng mga Hapon. Nilakad nila ang kahabaan ng Mariveles, Bataan patungong San Fernando, Pampanga. Sa mga pagkakataong sila ay “pinagpapahinga,” sila ay puwersahan ding pinapaupo sa ilalaim ng matinding sikat ng araw ng walang anumang lilim. Ang sino mang manghingi ng tubig na maiinom ay dagliang pinapatay.

Sa unang yugto pa lamang ng martsa ay marami na ang nangamatay. Ang mga nanghihina at nabubuwal sa pila ng martsa ay binabayoneta ng mga Hapon, o di kaya'y pinagbabaril. Ang ilan sa kanila ay inaabuso at malabis na sinasaktan, habang ang iba naman ay hinahayaan na lamang masagasaan ng mga rumaragasang sasakyang-militar ng Hapon.
Gutom at uhaw, ang mga bilanggo ay lalong naghirap at ang kanilang buhay ay higit na nameligro. Minsan din silang binigyan ng pagkain, ngunit tila hayop silang pinakain ng mga panis na kanin. Nang sapitin nila ang Capas, Tarlac, animo hayop na iginapos ng mga sundalong Hapon ang mga bilanggo. Sa gabi, sila ay pinapatulog sa isang tila bodegang kwarto – masikip at madilim, at ang mga bilanggo ay parang mga sardinas na nagsisiksikan dito. Sa kasikipan, hirap na silang makagalaw, at halos mag-agawan sa hanging nilalanghap. Ang ilan sa kanila ay hindi na inabutan ng bukas, habang ang iba'y nagising sa piling ng mga nasawi na nilang kasamahan.
Mahigit kalahati na ang kanilang natatahak nang sila'y ibiyahe sa mga tren. Sa loob ng masisikip at maiinit na kahon ay marami na naman sa kanila ang namatay. Ang mga nakaligtas ay muling pinaglakad ng pitong milya hanggang sapitin nila ang Himpilan ng O'Donnell. Humigit kumulang sampung libo sa mga bilanggo ang namatay samantalang ang iba ay matagumpay namang nakatakas at narating ang kagubatan. Halos 54,000 na lamang ang nakarating sa kanilang piitan.

Tuwing sasapit ang 9 ng Abril ay ginugunita ng mga Filipino ang Bataan Death March bilang Araw ng Kagitingan (o Araw ng Bataan), isang pista opisyal. Kasama sa paggunita dito ay ang pag-aalay rin ng bulaklak sa mga bantayog na itinayo bilang pagkilala sa mga sundalong namatay sa mapagpahirap na pagmamartsa – sa Paggunita sa Capas (Capas National Shrine) sa Tarlac; at sa Dambana ng Kagitingan sa Bataan. Ang mga nabanggit na bantayog ay nasa pangangalaga ng pamahalaan ng Pilipinas.