Saturday, February 7, 2015

Martsa ng Kamatayan

Ang Bataan Death March ay ang sapilitang pagpapalakad sa mahigit kumulang 70,000 bilanggo ng digmaan (prisoners of war o POW) na binubuo ng mga Filipino at Amerikano na nadakip ng mga Hapon sa kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nagsimula noong 9 Abril 1942, ang pagmartsang ito ay nag-umpisa sa MarivelesBataan patungong San FernandoPampanga (na umabot ng 88 kilometro ang layo), hanggang CapasTarlac at muling naglakad ng layong 13 kilometro hanggang matunton ang Himpilang O'Donnell. Tumagal ang pagmamartsang ito ng anim na araw.

Noong 11 Marso 1942, sa utos ni Pangulong Theodore Roosevelt, Jr., nilisan ni Heneral Douglas MacArthur, kasama ang ilang tropang Amerikano, ang Corregidor patungong Australia. Sa pag-alis ng heneral, itinalaga si Jonathan Mayhew Wainwright IV bilang kahalili nito sa Corregidor, at si Heneral Edward P. King naman ang siyang naatasang mamuno sa pakikipagdigmaan sa Bataan. Unti-unting naramdaman ng kawal ng mga Amerikano ang paghina ng kanilang hukbo laban sa mga atake ng bansang Hapon. Maliban dito, naging madalang na rin ang pagdating ng mga rasyong pagkain, gamot at sandata mula Estados Unidos, at patuloy na dumarami ang nagkakasakit at napipinsala. Dahil dito, wala ng ibang alternatibo kundi ang pagsuko sa mga Hapon.
Ang pagbagsak ng Bataan noong Abril 1942 ay naging mabigat na dahilan upang humina ang depensa at tuluyang magapi ang Corregidor isang buwan ang makalipas. Ang pagsukong ginawa ng mga Amerikano sa Bataan ay siyang naging hudyat sa pagtatapos ng digmaan dito. Ngunit kasabay ng nasabing pagsuko at pagbandera ng puting watawat ay ang anim na araw na pagpapahirap sa mga sundalong Filipino at Amerikano sa tinaguriang Death March.

Kinilalang Death March, ang sapilitang pagmamartsa na ito ay nagdala ng matinding pahirap at trahedya sa mga sundalong napabilang dito. Ang mga sundalong Filipino at Amerikano na lumaban para sa depensa ng Bataan ay itinuring na mga bilanggo ng digmaan, o mas kilala bilang prisoners of war (POW). Sa pagsukong ginawa ni King kay Heneral Masaharu Homma, ipinaalam niya sa huli na marami sa kanyang pangkat ang may karamdaman at nagugugutom. Dahil dito, iminungkahi ni King kay Homma na siya na mismo ang magdadala sa mga sundalo sa Himpilan ng O'Donnel gamit ang kanilang sasakyang pangmilitar. Ngunit di ito inalintana ni Homma, bagkus ay pinanindigan nito na maging ang mga may kapansanan ay kinakailangang makilahok sa martsang magaganap patungo sa kampo na siyang magsisilbing kulungan ng mga bilanggo.
Umabot ng anim na araw ang nasabing martsa. Sa kasagsagan ng init ng araw, ang mga bilanggo ng digmaan ay walang tigil na pinaglalakad habang sila'y tinututukan ng baril ng mga Hapon. Nilakad nila ang kahabaan ng Mariveles, Bataan patungong San Fernando, Pampanga. Sa mga pagkakataong sila ay “pinagpapahinga,” sila ay puwersahan ding pinapaupo sa ilalaim ng matinding sikat ng araw ng walang anumang lilim. Ang sino mang manghingi ng tubig na maiinom ay dagliang pinapatay.

Sa unang yugto pa lamang ng martsa ay marami na ang nangamatay. Ang mga nanghihina at nabubuwal sa pila ng martsa ay binabayoneta ng mga Hapon, o di kaya'y pinagbabaril. Ang ilan sa kanila ay inaabuso at malabis na sinasaktan, habang ang iba naman ay hinahayaan na lamang masagasaan ng mga rumaragasang sasakyang-militar ng Hapon.
Gutom at uhaw, ang mga bilanggo ay lalong naghirap at ang kanilang buhay ay higit na nameligro. Minsan din silang binigyan ng pagkain, ngunit tila hayop silang pinakain ng mga panis na kanin. Nang sapitin nila ang Capas, Tarlac, animo hayop na iginapos ng mga sundalong Hapon ang mga bilanggo. Sa gabi, sila ay pinapatulog sa isang tila bodegang kwarto – masikip at madilim, at ang mga bilanggo ay parang mga sardinas na nagsisiksikan dito. Sa kasikipan, hirap na silang makagalaw, at halos mag-agawan sa hanging nilalanghap. Ang ilan sa kanila ay hindi na inabutan ng bukas, habang ang iba'y nagising sa piling ng mga nasawi na nilang kasamahan.
Mahigit kalahati na ang kanilang natatahak nang sila'y ibiyahe sa mga tren. Sa loob ng masisikip at maiinit na kahon ay marami na naman sa kanila ang namatay. Ang mga nakaligtas ay muling pinaglakad ng pitong milya hanggang sapitin nila ang Himpilan ng O'Donnell. Humigit kumulang sampung libo sa mga bilanggo ang namatay samantalang ang iba ay matagumpay namang nakatakas at narating ang kagubatan. Halos 54,000 na lamang ang nakarating sa kanilang piitan.

Tuwing sasapit ang 9 ng Abril ay ginugunita ng mga Filipino ang Bataan Death March bilang Araw ng Kagitingan (o Araw ng Bataan), isang pista opisyal. Kasama sa paggunita dito ay ang pag-aalay rin ng bulaklak sa mga bantayog na itinayo bilang pagkilala sa mga sundalong namatay sa mapagpahirap na pagmamartsa – sa Paggunita sa Capas (Capas National Shrine) sa Tarlac; at sa Dambana ng Kagitingan sa Bataan. Ang mga nabanggit na bantayog ay nasa pangangalaga ng pamahalaan ng Pilipinas.


No comments:

Post a Comment

Write your comment here.